EXCLUSIVE: Baron Geisler and his life in rehab

Posted at Mar 29 2011 12:02 AM | Updated as of Mar 29 2011 01:26 PM

Si Baron Geisler ay kilalang batang actor na nagsimula sa "Ang TV" noong 1995, hanggang sa makilalang mahusay na character actor.                                                                        

Naging tila usad-atras ang karera ng aktor dahil sa ilang ulit na pagkakasangkot nito sa mga akusasyon ng pambabastos - na nauuwi pa sa hablahan.

Sa pinakahuling insidente kaugnay ng reklamo ng aktres na si Cherry Pie Picache na kasama niya sa teleseryeng "Noah," nagdesisyon ang Professional Artists Managers Inc. o PAMI, na disiplinahin si Baron at hingin ang pagpasok niya sa rehab bago siya ipagtrabaho ulit.

Sa ngayon ay nakakadalawang buwan na si Baron sa rehab.

Nagsisimula ang araw niya ng alas-6:30 ng umaga.

Kasama sa pagluluto ang paglilinis, pag-e-exercise, pagbabasa ng Bibliya at mga session ng pag-uusap kasama ang mga seniors sa grupo.

Hindi daw nagsisisi si Baron na pumasok siya sa loob ng rehab dahil dito raw niya napag-iisipan ang kaiba niyang pagkatao sa tuwing siya ay umiinom ng beer o alak.

"Nagiging unmanageable 'tapos wala akong sinusunod na batas. Nagiging bastos ako, nagiging mayabang. Basta akala ko, 'pag malakas ka uminom, malakas ka manigarilyo, 'yan ang tunay na lalake," aniya.

"Kailangan kong ayusin ang 'Baron, the person.' I already feel like a victor but in order to become successful in life, it's the outside world, eh. 'Yun ang totoong laban eh... You know, I surrendered na everything to God. God granted me the courage to accept the things I cannot change, the courage to change things I can, accepting hardship as the pathway to peace." Korina Sanchez, Patrol ng Pilipino