Actor Luis Gonzales passes away

Posted at Mar 16 2012 11:50 PM | Updated as of Mar 17 2012 07:50 AM

Edad 83 years old nang bawian ng buhay ang beteranong aktor na si Luis Gonzales alas-11 kagabi sa Makati Medical Center.

Ayon kay Vina Mercado na kabiyak niya ng 51 taon, maayos ang paglisan ni Luis na bumigay sa komplikasyon ng pneumonia at sakit sa puso.

Mabuting asawa at ama raw ito sa tatlo nilang anak.

Isa sa pinakamakisig at pinaka-in demand na leading man ng pelikulang Pilipino, sumikat si Luis simula 1954 sa bakuran ng Sampaguita Pictures kung saan binuo ang box office love team nila ni Gloria Romero.

Ayon sa movie queen, gusto lang niyang maalala si Luis bilang isang masaya at mapagmahal na katrabaho.

Minahal sila ng fans sa mga pelikulang tulad ng “Despachadora” at “Kolehiyala.”

Pero higit na tumatak si Luis nang gampanan niya ng dalawang beses si Pangulong Ferdinand Marcos.

Ito’y sa kontrobersyal na pelikulang “Iginuhit ng Tadhana” bago tumakbo si Marcos bilang presidente noong 1965.

Sinundan ito ng “Pinagbuklod ng Langit” noong 1969.

Si Imee Marcos, na ginampanan noon ni Vilma Santos, naalala ang galing ni Luis na mahirap na daw tapatan ngayon.

“His acting was understated. A great actor and a good friend. He played a big role in our lives. Halos naniniwala na ako na tatay ko siya dahil sa boses. Mahal na mahal namin si Luis Gonzales,” sabi ni Imee.

Ayon sa kanyang kabiyak, huling hiling ni Luis na ipa-cremate ang kanyang labi.

Nakatakda siyang paglamayan simula ngayong gabi sa Sanctuario de San Antonio sa Forbes Park Makati hanggang sa kanyang libing sa Sanctuario din sa Lunes. Mario Dumaual, Patrol ng Pilipino