OPM singers defend Charice’s new look

Posted at Mar 14 2012 12:08 AM | Updated as of Mar 14 2012 01:09 PM

Nakaalis na sa bansa ang singing sensation na si Charice pero pinag-uusapan pa rin ang pagbabago niya ng kanyang look.

Naging hot topic ito sa pagtitipon ng ilang OPM singers para sa isang benefit concert.

Agad na ipinagtanggol ng kapwa singers si Charice.

“Siguro bored na siya. Si Britney Spears nagpakalbo one time. I understand her kasi I grew up in this business,” sabi ng mang-aawit na si Geneva Cruz.

Mula nang sumikat si Charice sa YouTube at mag-guest sa “Ellen” at “Oprah,” natunghayan na ng publiko ang ilang pagbabago niya ng itsura kada balik niya mula Amerika.

Ipinagmalaki ni Charice na ang pinaka-daring na pagbabago ay sarili niyang desisyon.

“Yun ang makakapagpasaya sa akin. I’m gonna get a hair cut. I’m gonna do it. And I was actually proud,” sabi ni Charice.

Ayon sa mga batikang singers gaya ni Basil Valdez, dapat daw alalahanin na 19 years old pa lang ang singing sensation kaya't masusundan pa sa career ang pag-e-eksperimento hindi lamang sa kanyang itsura kundi pati sa kanyang musika.

“Makikita mo ang changes in terms of 'yung vocal kakayahan niya,” sabi ni Valdez.

Nadismaya naman si Kuh Ledesma sa isyu ng pagkuwestyon sa kasarian ni Charice.

“Kahit ako noon sinasabi na I had a different preference daw. Sabi ko mga tsismoso kayong lahat. Masama iyon eh. Maraming tsismis na hindi totoo,” sabi ni Kuh.

Umani naman ng sari-saring opinyon ng publiko ang pagbabagong imahe ni Charice.

Mayroon natuwa: “Kung para sa kanya ikakabuti niya iyon, go lang,” sabi ng isang tagahanga ni Charice.

“Nag-iba ang mukha niya pero sana huwag mag-iba ang boses,” sabi pa ng isa pa ring tagahanga.

Mayroon ding hindi ito nagustuhan.

Pero nasa loob man o labas ng industriya ng musika, nagkasundo ang lahat na ang importante ay hindi nagbago ang galing at talentong Pinoy ni Charice na maipagmamalaki sa buong mundo. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino