PatrolPH

Kasalan o burol? Malabong wedding photos sa Cebu nag-viral

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2022 10:30 AM | Updated as of Sep 23 2022 10:00 AM

Watch more News on iWantTFC

Hindi malilimutan ang naging kasal ni Caren Estrera Kindla at Robert Kindla sa Consuelo Parish Church sa Camotes Island, Cebu. 

Ito'y matapos lumabas na masyadong mataas ang contrast ng mga litrato ng kanilang kasal. Ilan sa mga litrato ay sobrang liwanag o washed out, habang ang iba naman ay sobrang dilim. 

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Caren na "irresponsible at unprofessional" ang photographer ng kasal dahil sa kinalabasan ng mga litrato 4 na buwan matapos ang kasalan. 

"Parang kasalan lang ng langit. Kung hindi kasalan ng langit, parang pumunta lang kami sa isang burol. Kaya talagang nagalit ako...Parang sesentensyahan tayo ni San Pedro sa ginawa nila," aniya. 

Ayon kay Caren, nagtiwala siya sa photographer dahil inirekomenda ito ng isang kapamilya. 

Pati ang asawa niya ay nadismaya sa pangyayari. "[Sabi ni Robert] Ano ba ang theme natin sa kasal, horror?" ani Caren. 

Humingi ng paumanhin ang photographer matapos mag-viral ang mga litrato. 

Marami namang netizens ang tumulong na i-edit ang wedding photos ng mag-asawa. 

Ang payo ni Caren: dapat kilatising mabuti kung sino ang kukuning wedding photographer sa araw ng kasal at wag iasa sa iba. "Tayo mismo ang kumuha at wag na magtiwala sa ibang tao," sabi niya. 

— TeleRadyo, 21 Setyembre 2022 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.