PatrolPH

Lalaking nanira ng CCTV tiklo matapos mahagip ng CCTV

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2022 07:20 AM | Updated as of Jul 20 2022 11:05 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Abot-abot ang pagsisisi ng isang lasing na 19-anyos na lalaki dahil pinagtripan at sinira niya umano ang isang CCTV camera na pag-aari ng barangay sa Quezon City.

Nangyari ng madaling-araw nitong Lunes sa Kaliraya St. sa Brgy. Tatalon.

Nag-inuman umano ang suspek at mga kasama nito nang makitang biglang tumayo ang suspek at lumapit sa CCTV.

Maya-maya ay nakita nang umalog-alog ang video sa CCTV, at sinisira na pala ng suspek ito.

Hagip na hagip ang mukha ng suspek habang sinisira nito ang CCTV.

Ayon sa pulisya, ang footage na ito ang naging susi sa mabilisang pagkakaaresto ng suspek.

Umamin naman ang suspek na sinabing nadala siya ng kalasingan at ng udyok ng barkada kaya niya nagawa ang paninira.

Pinagsisihan niya na umano ito at sinabing dapat umuwi na lang siya matapos ang inuman.

Ang mga taga-barangay naman, dahil sa insidente, babaguhin ang puwesto ng mga CCTV pero malaking problema anila ang pagkawala ng isang unit na ito.

Payo ngayon ng mga awtoridad sa mga manginginom na ilagay ang tama ng alak sa tiyan at hindi sa utak upang hindi makaperwisyo . 

Kakasuhan ng malicious mischief ang suspek.—Ulat ni Jeff Caparas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.