P11 minimum na pasahe sa jeep ihihirit sa Enero

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2019 10:22 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Hihirit ang ilang transport group sa Enero na itaas sa P11 mula sa P9 ang minimum na pamasahe ng jeepney para sa unang 4 na kilometro, sinabi ng 2 sa kanilang lider, Biyernes.

Tataas ng P1.50 kada litro ang presyo ng krudo sa Enero 1 dahil sa tax reform law, katwiran ni Pasang Masda president Obet Martin.

Ang naturang taas-presyo ay "masyadong mabigat na po bulsa ng tsuper" na kumikita lang ng P400 hanggang P600 para sa 14 hanggang 16 oras na pagpasada, aniya sa panayam ng DZMM.

"Kung puwedeng magpasensiya, kung puwedeng magtiis sa kaunting-kaunting kinikita, may maiuwi lamang, nagtitiis kami. Pero itong klaseng ito, hindi na po kaya," dagdag ni Fejodap president Zeny Maranan.

Maaari rin aniyang tumaas sa P12 ang hirit nilang minimum fare kung papalo sa P49 ang kada litro ng diesel.

Nangako naman si Maranan na hindi magsasagawa ng transport strike ang kanilang mga grupo sakaling mabinbin ang pagpasa sa taas-pasahe.

"Papahirapan na nga sa taas ng pasahe, pahihirapan pa ba natin sila sa kanilang pagsakay ng jeep patungo sa kanilang hanapbuhay," aniya sa hiwalay na panayam ng DZMM.

DZMM, Disyembre 27, 2019