Mga tsuper hati sa bagong rollback sa produktong petrolyo
ABS-CBN News
Posted at Nov 29 2022 06:35 AM
MAYNILA—Nakahinga nang maluwag ang mga jeepney driver sa mas malaking tapyas sa presyo ng diesel simula ngayong Martes.
Ayon sa kanila, malaking bagay ang P3.95 kada litrong bawas para madagdagan ang kita lalo na ngayong mahal ang mga bilihin.
Ang ilang jeepney drivers, agad na nagpakarga ng krudo sa ilang gasolinahan na nagpatupad na ng rollback Martes ng hatinggabi.
Sinundan naman ito ng mas marami pang gasolinahan, alas 6 ng umaga.
"Medyo nakatulong naman po, pero hindi pa sapat 'yun. Dapat bumaba (pa) 'yan ng P.50 (kada litro), kahit bumaba pa ang pamasahe ibalik sa P10," ani Narciso Perucho, jeepney driver.
Pero kung natuwa ang mga jeepney drivers, nakukulangan naman ang mga taxi at tricycle driver sa bawas sa presyo sa gasolina na nasa P0.85.
Ayon sa mga taxi drivers, baka bawiin lang sa mga susunod na araw ang para sa kanila ay kakarampot na bawas.
"Wala lang 'yun, babawiin lang yan. Babawiin sa susunod na araw, sa susunod na linggo," ani German Bote, isang taxi driver.
Ito rin ang saloobin ng ilang tricycle drivers lalo’t hindi rin tumataas ang singil nila sa pamasahe. Nakadagdag pa sa konsumo ayon sa kanila ang matinding traffic lalo na tuwing rush hours.
Umaasa nalang sila na magkakaroon pa ng mga kasunod na bawas-presyo sa produktong petrolyo.
Ito na raw sana ang pinamagandnag aguinaldo na matatanggap nila ngayong Pasko.—Ulat ni Jose Carretero
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news