Dating seminarista, natagpuan ang misyon sa pagnenegosyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 01:02 AM

Watch also in iWantTFC

Dating seminarista si Richard Cruz pero nakita niya ang kanyang misyon sa pagnenegosyo ng mga dragon fruit.

High school nang simulang tahakin ni Richard ang buhay sa seminaryo. Ipinagpatuloy niya ito sa California nang mabigyan siya ng scholarship. Sa kanyang ikalawang taon sa kursong Theology, binigyan sila ng pagkakataon para lumabas ng seminaryo at hanapin ang sarili kung nararapat ba silang manatili sa seminaryo. Sa kanyang paglabas, napagtanto ni Richard na hindi siya para dito at sa halip, nakilala niya ang babaeng makakasama niya sa buhay.

Para masuportahan ang binubuong pamilya, nagsimula si Richard sa pagiging tindero. Kalaunan, nabigyan siya ng pagkakataon na makapagsimula ng maliit na negosyo sa animal feeds.

Taong 2015, ipinamana ng kanyang ama ang isang lupain sa Bulacan. Dahil sa maselan ang kondisyon ng lupa, piling mga pananim lamang ang tumutubo doon. Nadiskubre nila na ang prutas na dragon fruit ang mabilis na mapalago.

Mula noon, ipinagyaman ni Richard ang minanang lupain. Ngayon ay bukas na rin ito sa publiko. Kinikilala na ang Three Lucky Mountain Dragon Fruit Farm bilang isa sa mga agri-tourism locations ng Bulacan. Dito, puwedeng matutunan ng mga turista ang paraan ng pagtatanim ng dragon fruit.

Bukod sa dragon fruit, iba’t ibang by-products na rin ang kanilang nagagawa gaya ng cakes, pastries at jams.

Sundan ang My Puhunan online:
Microsite: news.abs-cbn.com/MyPuhunan
Facebook & Twitter: @MyPuhunan
Instagram: @mypuhunantv

Panoorin ang My Puhunan online:
www.IWANTV.com.ph (within PH)
www.TFC.tv (outside PH)
www.youtube.com/abscbnnews (episode highlights)