ALAMIN: Paano kumita mula sa plastic sachets

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2018 01:05 AM

Watch also in iWantTFC

Ang mga basura, puwedeng magdala ng limpak limpak na kita. Gamit ang P50.00 na puhunan, paggawa ng bags at coin purse mula sa plastic sachets ang pinagkakakitaan ni Marjane de Guzman. 

Nurse by profession si Marjane ngunit nang isilang niya ang dalawa sa kanyang apat na anak na may autism at epilepsy, napilitan siyang iwanan ang karera para bigyan ng kaukulang atensyon ang pangangailangan ng mga anak.

Sa isang SPED school niya ipinapag-aral ang dalawang anak. Habang hinihintay ang mga ito sa klase, tinuturuan silang mga magulang na gumawa ng mga recycled bags. Bukod sa paghihintay sa mga anak, natututo pa sila ng puwedeng mapagkakitaan.

Nakita ni Marjane ang potensyal nito. Katuwang ang kaniyang asawa, pinagsumikapan nilang gumawa ng maayos na coin purse at bags. 

“Noong una po talaga mahirap po talaga siya, masakit sa mga kamay. So, on my own nag-start talaga ako, nagsikap lang, nagtiyaga nalibang, nawala sa isip ko minsan alas dos na ng madaling araw, gumagawa pa ako.” pagkukuwento ni Marjane sa My Puhunan.

Kada linggo, hindi bababa sa tatlong libong piso ang kinikita ni Marjane sa paggawa ng mga coin purse at bags.

Pero bukod sa nakatagpo siya ng paraan para kumita, nagsilbing therapy pa ng kanyang anak na may epilepsy ang paggawa ng mga coin purse at bags.

Sa pagbabahay-bahay ni Marjane, ang mga obra niya mula sa plastic sachets, narating na ang mga bansang Italy at Japan. Inaanyayahan na rin siya ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila para magturo ng livelihood training sa mga Persons with Disability o PWD.

Sundan ang My Puhunan online:
Microsite: news.abs-cbn.com/MyPuhunan
Facebook & Twitter: @MyPuhunan
Instagram: @mypuhunantv

Panoorin ang My Puhunan online:
www.IWANTV.com.ph (within PH)
www.TFC.tv (outside PH)
www.youtube.com/abscbnnews (episode highlights)