Transport groups want P2 jeep fare hike

Posted at Nov 14 2011 10:25 PM | Updated as of Nov 15 2011 06:25 AM

Kapit-bisig ang anim na transport group habang bitbit ang petisyon para sa dagdag-pasahe sa jeep.

Dalawang pisong taas sa minimum na pasahe sa jeep ang hirit ng Fejodap, Pasang Masda, Altodap, LTOP, Transporter at Acto.

Habang dinidinig ang petisyon, hiniling ng mga grupo na ibalik na muna ang P8.50 na pasahe sa jeep mula sa kasalukuyang P8.

Puro lang daw pangako at wala namang nagawa ang gobyerno para maibsan ang pasakit sa mga tsuper.

“Parati naming sinasabi parating na parating na pero wala pa silang nakikita,” ani Rep. Vigor Mendoza ng 1-UTAK.

“Magtatatlong buwan na, walang nagagawa. Kaya ano ang point na kami ay magsakripisyo?” giit naman ni Efren de Luna, pangulo ng grupong Acto.

Pero ang mga pasahero, kontra sa dagdag-singil sa pasahe.

“Malaking bagay ang P2,” sabi ng isang pasahero.

“Estudyante rin naman po kami. Marami po kaming gastusin,” dagdag pa ng isang pasahero.

Pakiusap naman ng mga tsuper, sana maintindihan ng pasahero na kailangan din nilang kumita para sa kanilang pamilya.

“Hindi na ho kayang dibdibin o pasanin pa ng jeepney sector ang mga walang habas na pagtataas,” ani Obet Martin, presidente ng grupong Pasang Masda.

One peso, ninety centavos ang itinaas ng diesel, P0.65 naman sa gasolina.

Sa kabila ng ngitngit ng mga tsuper, kinatigan pa ng gobyerno ang dagdag-presyo.

Ito na ang ika-25 pagtaas sa presyo ng diesel ngayong taon na umaabot na sa halos P20 kada litro.

Pero sa sangkaterbang taas-presyo, 15 beses din namang nag-rollback.

Iyon nga lang, ang suma-total ay halos P8 na ang itinaas sa diesel ngayong taon.

Sa kuwenta ng Department of Energy, P0.60 lang dapat ang taas sa gasolina, P1.80 naman sa diesel.

“Nakadikit po sila at tinitignan din po natin ang mga pagkakataon na lagpas din po sila doon sa rollback,” paliwanag ni Energy Undersecretary Jay Layug.

Hindi rin daw nakalagay sa batas kung magkano ang limit sa kita ng mga kumpanya ng langis. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino