Power rate rollback looms

Posted at Oct 06 2010 10:06 PM | Updated as of Oct 07 2010 09:57 AM

Ngayong buwan ng Oktubre bababa ang singil sa kuryente.  Paliwanag ng Meralco, P1.10 kada kilowatt hour ang ibinaba sa generation charge. Mula sa dating P5.41 per kilowatt hour nitong Setyembre, magiging P4.31 per kilowatt hour na lang ang generation charge ngayong buwan, ang pinakamababang antas nito sa loob ng 8 buwan.
   
“Nagkasabay-sabay ngayon ang mga positive developments,” sabi ni Ivanna De La Peña, Head for Utility Economics ng Meralco.

Malaki kasi ang ibinaba sa singil ng Napocor, maging ng mga independent power producers nito.

Kaya't ang mga kumokonsumo ng 100 kilowatt hours kada buwan, nasa mahigit P100 rin ang tapyas sa ibinabayad. Mahigit P261 naman ang bawas singil para sa mga 200 kilowatt hours ang gamit.

Para sa mga katulad ni Rodel na may-ari ng maliit na karinderya, malaking ginhawa ito.

“Siyempre iyong savings na makukuha mo puwede mong magamit sa ibang expense mo,” ani Rodel.
 
Mahigit P9,000 ang electric bill ni Rodel nitong Setyembre. Kapag ganito ulit ang konsumo niya ngayong Oktubre, mahigit P800 ang mababawas sa kanyang babayaran, pero hindi kampante si Rodel.

“Baka ngayong buwan lang iyan, baka sa susunod hindi na rin,” ani Rodel.

Ang bawas presyo ay posibleng hanggang ngayong buwan lamang.

“Depende sa cost of fuel, depende sa peso-dollar exchange rate at sa dispatch din ng IPPs,” sabi ni De La Peña.

Paliwanag ng Meralco, bagamat posibleng tumaas na ulit ang singil sa kuryente, inaasahang bababa naman daw ang konsumo sa kuryente dahil mas malamig na ang panahon. Niña Corpuz, Patrol ng Pilipino