De los Angeles pleads not guilty

Posted at Aug 27 2010 11:57 PM | Updated as of Aug 28 2010 09:22 AM

Not guilty ang tugon ni Celso de los Angeles sa kanyang arraignment sa kasong syndicated estafa sa sala ni Judge James Clinton Nuevo ng Branch 12 ng Ormoc, Leyte.

Nakasuwero siya at inaakay ng dalawang  nurse, pero mula sa kanyang wheelchair tumayo pa ang may kanser na may-ari ng First Interstate Bank ng Kananga, Leyte at Legacy Bank para ihayag ang kanyang panig.

Hinihiling ni De los Angeles na bigyan siya ng panahong maghanap ng abogado para sa paglilitis.
Bukod dito nakabinbin din sa korte ang kanyang mosyon para mailipat muli sa St. Luke’s hospital sa Quezon City, pero tutol ang prosekusyon dito.
 
Noong nasa rurok pa ng tagumpay, ito ang buhay ni De los Angeles: mansion ang bahay at hindi mabilang ang mga kotse at may girlfriend pang sikat sa show business.

Iba ngayon ang sitwasyon. Tinalikuran na siya ng asawa't anak mula nang magpatung-patong ang mga habla.

Habang isinasakay sa ambulansiya, mahigpit ang hawak niya sa bibliya.

Sumesenyas na wala siyang boses at sa halip, pinabasa sa akin ang ilang kataga sa bibliya.
 
Matagal nang sarado ang Interstate Bank. Nakapaskil din dito ang pag-auction ng PDIC ng mga ari-arian ng bangko.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umaabot sa kalahating bilyon ang perang nadispalko umano ni De los Angeles sa bangkong ito lamang.

Isa sa mga nag-invest dito, namatay umano sa sama ng loob nang walang nabawi kahit isang kusing sa ipinagkatiwalang retirement pay na P600,000.

Si De los Angeles naman, balik pagamutan sa Ormoc.

Dito una siyang dinala sa sub-provincial jail kung saan siksikan ang mga preso.

Dito na lamang sa ngayon umiikot ang mundo ng negosyanteng dati rati'y kayang bilhin ang anumang luho niya sa buhay. – Ces Oreña Drilon, Patrol ng Pilipino, Leyte