Tourism industry to suffer from hostage drama

Posted at Aug 24 2010 11:13 PM | Updated as of Aug 25 2010 09:23 AM

Naabutan pa ng ABS-CBN News ang isang grupo ng kabataang Hapon na dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Ayon sa kanilang tour guide, hindi raw maiwasang mag-alaala ang mga bisita niya lalo't napanood nila ang hostage drama sa Quirino Grandstand nitong Lunes.

Matapos ang hostage-taking Lunes ng gabi, pinaiwas agad ng gobyerno ng Hong Kong ang kanilang mga residente sa pagbiyahe sa Pilipinas.

Sa website ng kanilang security bureau inilagay sa black category ang Pilipinas, ibig sabihin, bansang may severe threat o may matinding banta.

Pero tiniyak naman ni Chinese Ambassador Liu Jianchao na mananatiling pangunahing tourist destination ang Pilipinas.

Isa lamang umanong isolated case ang sinapit ng kanyang mga kababayan.

May pakiusap din siya sa mga opisyal ng Pilipinas.

“Philippines is well-loved destination of the tourist of mainland and Hong Kong, and we hope security will be ensured, and see more effort in guaranteeing the safe of Chinese,” ani Jianchao.

Tiniyak naman ni Vice-President Jejomar Binay na ligtas ang mga dayuhan sa bansa.

Bagama’t tiniyak ng pamahalaang Pilipinas na mapu-proteksiyunan pa rin ang mga bumibisita sa bansa, may ilan pa ring banyaga ang nagpahiwatig ng takot. Ang ilan naman ay pinaigsi ang kanilang bakasyon sa bansa.

Ayon sa source mula sa Cathay Pacific, dalawang flights ang umalis Martes ng umaga lulan ang may 40 Hong Kong residents.

Tinataya naman ng travel agencies na bababa ng 10% ang tourist arrivals.

Ayon sa Philippine Travel Agencies Association (PTAA), may ilang turista ang nagkansela ng kanilang booking dahil sa insidente.

Tinataya ng PTAA na tatagal pa ng tatlong buwan ang takot ng mga turista na posibleng maging dahilan ng kabawasan sa kita ng tourism industry. – Alex Santos, Patrol ng Pilipino