PatrolPH

Pagbawas ng mga holiday sa bansa, welcome sa mga employer: grupo

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2022 12:04 AM

Watch more News on iWantTFC

Nakalulugod para sa mga employer ang panukalang pagbabawas ng holiday sa bansa, ayon sa isang grupo.

Saad ni Sergio Ortiz-Luis, president ng Employers Confederation Of The Philippines, magastos para sa mga employer ang magbigay ng double pay sa mga empleyado na pumapasok tuwing holidays.

Aniya, maraming holiday na hindi alam ng mga empleyado kung ano ang talagang ipinagdiriwang sa nasabing araw. 

Giit niya, umaabot sa halos isang buwan kung pagsasama-samahin ang lahat ng holiday sa bansa.

Ani Luis, maraming manggagawa rin mula sa mga manufacturing o construction industry ang apektado ng holidays dahil sila ay "no work, no pay."

Ayon naman sa Trade Union Congress Of The Philippines, pinagkagastusan na ang pagsasabatas ng pagdadagdag ng non-working holidays, kaya huwag na ulit pagkagastusan ang pagpapanukala na bawasan ang mga ito.

Saad ni Louie Corral, vice president ng TUCP, lalabag sa Labor Code Article 100 na diminution of benefits ang pagbabawas ng holiday.

Giit niya, dapat mag-isyu na lang ng executive order na hindi na madadagdagan ang mga non-working holiday at malimitahan na lang ang special non-working holidays sa mga LGU.

Panawagan ni Corral, imbes ang pagbabawas ng holidays, tutukan na lang ang pagbabawas singil sa kuryente, at ibang isyu kagaya ng food security ng bansa na nagpapahirap sa mga Pilipino.—SRO, TeleRadyo, Agosto 18, 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.