Bread makers baking 'Pinoy Tasty'

Posted at Aug 20 2010 12:48 AM | Updated as of Aug 20 2010 08:48 AM

Mura at masustansya! Iyan ang pangako ng malalaking baker group sa pinakabagong produkto na tatawagin nilang “Pinoy Tasty.”

Sa Setyembre na ibebenta sa mga supermarket at bakeshops ang mas murang tasty para sa masa.

Sa unang pagkakataon, nakunan ng ABS-CBN News ang Pinoy Tasty.

Gagamitan ito ng isang standard recipe at packaging design.

Ibebenta sa halagang P30 ang Pinoy Tasty, mas mura ng hanggang P10 sa karaniwang tasty at mas maliit kumpara sa ibinibentang 600 grams na nagkakahalaga ng P52 hanggang P54.

Segunda klaseng asukal o washed sugar at lokal na harina ang gagamitin sa paggawa ng Pinoy Tasty.

Pero ang hindi kayang pigilan ay ang pagtaas ng presyo ng harina. Dahil dito tataas ang presyo ng tinapay sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.

Kapag tumaas ng P50 hanggang P60 kada sako ang presyo ng harina, tataas daw ng P1.50 ang presyo ng loaf bread at 75 centavos ang 10 pirasong pandesal.

Giit ng baker groups hindi pa naman ito sigurado, malalaman nila ang definite price increase sa loob ng isang linggo. – Niña Corpuz, Patrol ng Pilipino