Bread prices to go up next week

Posted at Aug 18 2010 12:46 AM | Updated as of Aug 18 2010 08:46 AM

Tataas ang presyo ng tinapay kabilang na ang loaf bread at pandesal sa susunod na linggo! Ito ay dahil sa ipapasa na ng mga negosyante ang dagdag-presyo sa harina na pinalala pa ng patuloy na pagtaas sa presyo ng asukal at mantika. Nagpa-Patrol, Alvin Elchico, Martes, Agosto 17, 2010

Wala nang atrasan ang pagtaas ng presyo ng harina sa susunod na linggo.

Aabot sa P50 hanggang P60 kada sako ang itataas sa presyo ng harina sa susunod na lingo.

Ito ay dahil Hunyo pa raw nagsimulang tumaas ang presyo ng trigo sa world market na pinalala pa ng export ng trigo sa bansang Russia.

Mula P690 hanggang P700 papalo na ng hanggang P760 ang sako ng harina sa susunod na linggo.

Ang resulta – tataas din ang presyo ng tinapay.

Pag-uusapan pa ng mga panadero, kasama ang Department of Trade and Industry (DTI), kung paano didiskartehan na maliit lamang ang epekto sa pandesal lalo pa nga’t tumaas din ang presyo ng asukal at mantika.

Tanggap na ng gobyerno na tataas ang presyo ng tinapay sa mga susunod na linggo pero kailangan pa rin daw magpaliwanag ang mga flour millers para masigurong hindi naman dehado ang publiko.

Ang pakiusap dati ng DTI, baka puwedeng utay-utayin ang dagdag-presyo para hindi masyadong masakit sa bulsa ng tao.

Inamin din ng DTI na kung kukwentahin ang "projection" ng umento sa presyo ng trigo hanggang Disyembre, papalo pa sa P250 ang itataas sa kada sako ng harina.

Pero hindi raw ito puwedeng gawing basehan para lalo pang itaas ang presyo ng harina dahil posible pa rin namang bumagsak sa mga susunod na buwan ang bentahan ng trigo. – Alvin Elchico, Patrol ng Pilipno