PatrolPH

DA magpapatupad ng suggested retail price sa asukal

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2022 07:16 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Labis ang itinaas ng presyo ng puting sibuyas o white onions, na ayon sa mga nagtitinda, halos triple ang itinaas ng presyo.

Sa Marikina Public Market, may ilang mga nagtitinda ng gulay na hindi na muna kumukuha ng puting sibuyas sa mga supplier.

Pumapalo na kasi sa P2,300 ang kada sako nito na siyam na kilo ang laman.

Kaya naman ang bentahan sa palengke kada kilo nasa P300 na. Sa ibang pamilihan sa Metro Manila umaabot pa sa P350 ang kada kilo depende sa klase nito.

Ayon sa mga nagtitinda, marami nang mamimili na imbes puti, pulang sibuyas na lang ang ginagamit para makatipid dahil nasa P110 lang ngayon ang kada kilo nito.

Kaya nagbawas na rin nang kinukuha ang ilang mga nagtitinda lalo’t matumal ang bentahan.

Ang iba isang sako na lang sa dating 10 sako ang kinukuhang puting sibuyas para hindi mabulukan.

Mga restaurant ang karamihan sa mga gumagamit ng puting sibuyas.

Ayon kay Department of Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, ang kakulangan sa supply ng puting sibuyas ang dahilan ng pagtaas ng presyo nito.

Pero mabuti na lamang umano walang masyadong paggalaw sa presyo ng ilang mga gulay, lalo na ang mga Baguio vegetables.

Samantala, pumapalo ngayon sa P97 hanggang P100 ang presyo ng kada kilo ng refined sugar o puting asukal.

Ang ibang mga kustomer ayon sa mga nagtitinda, nag-shift muna sa washed sugar para makatipid.

Ayon kay Evangelista, magkakaroon ang DA ng konsultasyon Miyerkoles sa producers at traders ng asukal para pag-usapan ang suggested retail price (SRP) ng asukal.

Ayon sa DA, hindi dapat umabot sa P100 pataas ang presyo ng asukal. Kakulangan din sa supply ang dahilan ng taas presyo.

Pero ayon sa presidente ng United Sugar Federation of the Philippines na si Manuel Lamata, posibleng bumaba na ang presyo ng asukal sa susunod na buwan.

Nagsimula na rin umano ang pag-ani at milling ng tubo sa Negros Island kaya inaasahan ang pagdami na ng supply nito sa pamilihan sa Metro Manila.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.