PatrolPH

Boundary ng ilang jeep nagtaas bunsod ng oil price rollback

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2022 07:35 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Ikinatuwa ng mga jeepney driver ang panibagong rollback sa presyo ng krudo ngayong Martes.

Hatinggabi nagpatupad ng rollback ang ilang gasolinahan habang ang iba ngayong alas-6 lang ng umaga. Sa diesel nasa 60 centavos ang bawas, pero sa gasolina may dagdag na 75 centavos.

Malaking tulong na ito, ayon sa mga jeepney driver, pero dahil mababa na ang krudo, karamihan sa mga operator nagtaas na rin ng boundary.

Nasa P50 hangang P100 ang itinaas sa boundary, ayon sa mga driver, kaya ang maliit na tapyas sa krudo napupunta lang sa boudary na nasa P550 hangang P600 na, depende sa laki at haban ng jeep.

Kaya ang diskarte ng ilang driver, maghanap ng mga gasolinahan na medyo mababa ang presyo ng krudo.

Sa ngayon nasa P75.75 na lang ang krudo galing sa P76.35. Sa gasolina, ang unleaded nasa P72.35 galing P71.60. Ang premium, P73.75 na galing P73 kasa litro.

Kaya naman nadismaya ang ilang mga tricycle drivers lalo't matumal pa ang mga pasahero simula ng magkapandemya.

Ang mga namamasada sa paradahan ng ODG TODA sa Brgy. Santa Elena sa Marikina City ay nadismaya sa taas presyo.

Sa ngayon, patuloy na umaasa ang mga jeepney driver na may sunod pang rollback, lalo't para sa kanila mahal parin ang krudo.

Ang mga tricycle driver naman dasal na bumaba na rin ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo – Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.