Meralco charge down P0.24/kWh in July

Posted at Jul 07 2011 10:32 PM | Updated as of Jul 08 2011 06:32 AM

Bumaba ang presyo ng kuryenteng ibinibenta ng mga pribadong planta sa Meralco.

Malaki rin ang iminura ng bentahan sa "spot market."

Kaya ang mga consumer, makaka-menos sa singil sa kuryente ngayong buwan.

“Ang suma total, nagkaroon ng reduction of P0.24 per kilowatt hour,” sabi ng Meralco spokesperson na si Joe Zaldarriaga.

Sa mga kumukunsumo ng 101 kilowatt hours, mahigit P24 ang menos.

Halos P50 naman ang bawas sa 200 kilowatt hours ang gamit at sa 300 kilowatt hours ang kunsumo, nasa P72 ang bawas-singil.

Sa taya ng Meralco, may kasunod pang good news sa susunod na buwan dahil iiral na ang "wet season rates" ng Napocor na mas mura ng P0.35 per kilowatt hour.

"We will see the impact of the NPC rate from dry season to wet season so we may expect a slight reduction," sabi ni Larry Fernandez, head ng utility economics ng Meralco.

Para naman hindi masyadong masakit sa bulsa, humirit ang Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) na pahabain na lang ang "recovery period" o pagsingil sa utang ng Napocor na ipapasa sa mga consumer.

Imbes na P0.36 kada kilowatthour sa loob ng 4 na taon, puwede raw na ipasa ang "stranded contract cost" sa P0.06 kada kilowatt hour sa loob ng 15 taon.

“Kung hindi natin babayarin ito, mapupunta rin ito sa gobyerno. Paano naman babayaran ng gobyerno? It's either mangungutang din sila pambayad doon o kaya tataasan nila ang buwis ng mga mamamayan,” sabi ng spokesperson ng PSALM na si Atty. Julie Domino.

Nagbabadya namang tumaas ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.

Mula Lunes hanggang Miyerkules, halos P2 na ang katumbas na taas sa gasolina at mga P0.50 sa diesel.

Mas lolobo pa ang umento kung hindi lang lumakas ang piso kontra dolyar na tumuntong na sa 42.88 ngayong araw. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino