PatrolPH

Jeepney drivers masaya sa rollback ngayong Martes

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2022 07:15 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Ikinatuwa ng mga jeepney driver ang rollback sa presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes.

P3 kada litro ang rollback sa diesel habang P3.40 naman sa kerosene.

Ayon sa jeepney driver na si Oscar Descallar, simula ng sumipa nang sumipa ang presyo ng produktong petrolyo, nag-isip na siya ng paraan para makatipid sa krudo.

Ang ginagawa niya ngayon bumabiyahe lang tuwing rush hour para sigurado na marami ang pasahero.

Kung dati bago umuwi nagfu-full tank na siya, ngayon hihintayin niya ang bagong presyo ng krudo bago magpakarga.

“Salamat naman kung may rollback kasi hirap nang kumita kaya inaabot ng gabi ang biyahe. Walang kinikita kapag gumagarahe ka nang maaga,“ ani Descallar.

Masaya rin ang driver na si Rolly Estiaga dahil kahit papano makakatulong ang pagbaba ng presyo ng krudo.

Pero hiling niya, sana hindi lang ito patikim sa kanila, lalo’t kung ang mga dating rollback ang babasehan agad naman daw itong binabawi matapos ang isang linggo nang mas mataas pa.

Ayon sa presidente ng PISTON transport group na si Ka Mody Floranda, malaking tulong ang rollback sa kanila, pero kulang na kulang pa umano ito lalo't simula nitong Abril nasa P26 na ang itinaas ng presyo ng krudo.

Ang paghupa ng presyuhan sa world market ang rason ng pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo. Pero hindi pa masabi kung magtutuloy-tuloy ang pagbawas sa presyo sa mga susunod na linggo.

Umaasa naman ang PISTON na ipagpapatuloy pa ng bagong administrasyon ang ang subsidiya sa mga jeepney driver, lalo't marami sa mga jeepney driver ang hindi nito nakatanggap.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.