PatrolPH

Ilang mga street vendor nagtaas-presyo na ng paninda

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2022 07:24 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Kagaya sa presyo ng produktong petrolyo, tumaas na ng P10 hanggang P20 kada litro ang presyo ng mantika sa palengke nitong mga nakaraang araw.

Kaya naman ang ilang street vendors sa Caloocan, apektado na rin ang hanap-buhay lalo na't maski ang kerosene ay tumaas na rin ang presyo.

Karamihan kasi sa mga binebenta nila ay gumagamit ng maraming mantika o ang mga deep-fried foods kagaya ng kwek-kwek, tokwa't baboy, lumpiang togue at iba pa.

Si Lisa Ramirez na ilang dekada nang street vendor, nagdagdag na ng P5 sa presyo ng binebenta niyang mga pagkain. Nasa halos 8 bote rin kasi ng mantika ang nakokonsumo niya araw-araw. 

Aniya, di bale nang magdagdag siya sa presyo ng pagkain niya, basta't huwag lang magpaulit-ulit ang gamit ng mantika dahil nag-iiba ang lasa ng kanilang mga pagkain.

Si Mae Mae Feliciano naman, hindi muna nagtaas ng presyo ng binebentang mga pagkain pero binawasan na niya ang dami ng nilalagay niya kada plato.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.