PatrolPH

Mga namamasada masaya sa P2 fare increase

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2022 07:03 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Masaya ang ilang namamasada sa P2 dagdag sa minimum fare sa mga jeepney sa buong bansa.

Miyerkoles nang magpalabas ng order ang LTFRB na nagbibigay ng dagdag na P2 sa pamasahe.

Piso ang dagdag sa NCR, Regions 3 at 4.

Dalawang piso naman sa mga lugar na walang ipinatupad na fare increase noong June 8.

Dahil dito nasa P11 na ang pamasahe sa traditional jeepney sa buong bansa habang P13 ang pamasahe sa modern jeepney.

Ayon sa pangulo ng PISTON transport group na si Ka Mody Floranda, bagamat malaking bagay ang dagdag pero tila mababalewala lang ito lalo na kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at pagbawas sa buwis sa produktong petrolyo.

Kaya ang bawas pa rin sa buwis ng produktong petrolyo ang hiling ng PISTON para makinabang ang buong mamamayan.

Ayon sa PISTON, dahil sa pagtaas ng pamasahe posibleng may ilang mga jeepney driver na tumigil sa biyahe ang magbalik-pasada na.

Sa tala nila nasa 30 percent na ng mga namamasada sa NCR ang tumigil dahil sa taas presyo.

Sa NCR, nasa 74,000 ang mga namamasadang jeep kaya nasa P23,000 din ang huminto muna sa pamamasada.

Isa sa mga dahilan ang mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Magkahalo naman ang reaksyon ng mga commuter.

Ang iba, aminado na dagdag sa budget nila ang umento sa pamasahe.
Pero ang iba naiintindihan nila ang dagdag sa pamasahe lalot patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa Biyernes na epektibo ang P2 dagdag sa pamasahe sa buong bansa. – Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.