Mga bus dadagdagan matapos ang aberya sa unang araw ng GCQ

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 08:57 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Sinabi ng Department of Transportation ngayong Martes na dadagdagan ang mga pampublikong bus sa ilang ruta sa Metro Manila matapos magkaroon ng aberya ang biyahe ng mga nagbalik-trabaho sa unang araw ng pinaluwag na coronavirus lockdown.

Nitong Lunes, unang araw ng general community quarantine o GCQ ng rehiyon, napilitang maglakad, mag-taxi o magsiksikan sa libreng sakay ang ilang commuters na natagalan sa paghihintay ng bus sa ilang kalsada tulad ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang ilang karagdagang bus operator na bumiyahe sa naturang ruta, Fairview, at Quezon Avenue, gayundin patungong Pasay mula sa Dasmariñas, Imus at Bacoor sa Cavite, ani DOTr Assistant Secretary Mark Richmund De Leon.

"Hinihintay na lang po natin iyong pagka-ready ng ating public transport operators d'yan sa ruta na iyan and anytime puwede na po silang bumiyahe," sabi niya sa panayam ng DZMM.

"Ini-evaluate namin iyong sitwasyon sa lugar para magdagdag ng public transportation kung talagang napakalaki ng ating public transportation demand," dagdag niya.

Hinimok din ni De Leon ang mga commuter na pumila nang maayos at dumistansya nang hindi bababa sa isang metro mula sa ibang tao para pigilan ang pagkalat ng novel coronavirus.

"Tayo po sana, on our own initiative, magkaroon po tayo ng self-discipline," sabi niya.

DZMM, Hunyo 2, 2020