Electric cars, hindi mairehistro sa LTO

ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 03:07 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Ibinida ng isang may-ari ng electric car ang kakayahan ng kanyang sasakyang hindi pinapatakbo ng gasolina.
 
Aniya, nakakatakbo ng distansiyang hanggang 300 milya o katumbas ng mahigit 400 kilometro ang kanyang electric car sa isang charge.
 
Pero problema niya ang pagpaparehistro ng sasakyan sa Land Transportation Office (LTO). Hinihingan daw kasi siya ng mga detalye tulad ng engine number at bilang ng cylinders. Pero dahil tumatakbo sa lithium battery ang electric car, hindi ito lumulusot sa LTO.
 
Ayon naman sa isang opisyal ng LTO, sinisilip pa nila kung saang kategorya dapat pumasok ang electric car. Pakiusap na lang nila sa mga may-ari ng electric cars, huwag daw muna itong gamitin sa mga pangunahing kalsada.
 
Kuwento ng presidente ng Electric Vehicle Association of the Philippines, nabigyan daw sila noon ng special permit para sa kategoryang “Low Speed Vehicle”. Ibig sabihin, hindi lalagpas sa 60 kilometers per hour (kph) ang takbo ng mga sasakyan.
 
Pero hiling nilang marepaso ang mga pagtatakda sa special permit dahil kadalasang higit 60 kph ang takbo ng electric vehicles. Katunayan, pati raw ang electric jeepney na isinusulong na pamalit sa tradisyonal ay higit 60 kph ang kakayahang umarangkada. -- Ulat ni Julius Babao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.