Bagong fuel price rollback hindi ramdam ng ilang tsuper

ABS-CBN News

Posted at May 03 2022 06:25 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Sa ika-apat na pagkakataon ngayong taon ay nagkaroon ng fuel price rollback na epektibo ngayong Martes, pero tila hindi ito nararamdaman ng ilang mga tsuper.

Bawas na P0.65 sa kada litro ng gasolina habang P1.15 na tapyas naman sa kada litro ng diesel at kerosene.

Ang rollback sa presyo tila wala umanong epekto sa kalbaryong kinahaharap ng mga tusper lalo na’t sunod-sunod na oil price hike din ang kanilang dinanas nitong mga nakaraang buwan.

Ayon sa Department of Energy, ang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo ay dahil sa pagdami ng COVID-19 cases at lockdown sa China, na siyang pinakamalaking konsumer ng krudo.

Nagbalik din ang produksyon sa Libya at naglabas ng strategic reserve ang Estados Unidos.

Nitong weekend ay nag-anunsyo rin ang liquefied petroleum gas (LPG) providers nang pagbaba sa presyo na epektibo noong May 1.

Ang Petron at Phoenix LPG ay nagbawas ng presyo sa ₱5.75 per liter habang ang Solane ay ₱5.73/liter ang naging price reduction.—Ulat ni Reiniel Pawid, ABS-CBN News