PatrolPH

Mga magsasaka sa Occidental Mindoro umaalma sa mababang presyo ng sibuyas

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Apr 07 2022 09:04 AM | Updated as of Apr 07 2022 09:07 AM

Watch more News on iWantTFC

Maraming magsasaka ang napapaiyak sa sibuyas, dahil sa kawalan umano ng tulong ng Department of Agriculture para mapataas ang presyo nito.

Tila sinisi pa ng kagawaran sa MIMAROPA ang mga magsasaka kung bakit bagsak ang presyo ng sibuyas sa Mindoro dahil sa hindi umano maganda ang kalidad nito.

Umalma rito ang mga magsasaka ng sibuyas.

“Ang problema lang ng Mamburao noong mamimili sila doon sa lugar nila marami sa sibuyas doon poor quality kaya hindi acceptable dahil mayroon din atang sakit ’yung ibang sibuyas doon sa may Mamburao, mungkahi ni Antonio Gerundio, regional director ng DA MIMAROPA.

“ ’Yung iba kahit aanihin na nagpapatubig pa kaya ’yung ibang mga bumibili kapag nakitang pinatubigan kahit mga 4 days bago anihin umaayaw kasi mabubulok agad ’yung sibuyas.”

Tila bigo rin ang mga magsasaka sa kanilang panawagang tulong.

“Hindi namin sila matutulungan kung hindi magpamiyembro kasi yung aming binibigay na puhunan eh nasa kooperatiba eh pati yung truck na gagamitin sa pagdala sa palengke nasa kooperatiba,” ani Gerundio. 

“Dapat miyembro sila kung hindi sila magpamiyembro hindi namin sila matutulungan.”

May dalawang cold storage facility nang binuksan ang DA MIMAROPA ngayong taon sa mga bayan ng Mamburao at Magsaysay, pero nakatiwangwang pa rin.

Kaya sana itong maglaman ng tig 10,000 bags.

Nakahanap naman ng malaking cold storage facilty sa lungsod ng Cabuyao, Laguna ang DA MIMAROPA para paglagyan ng sibuyas.

At sinisimulan nang dalhin doon ang mga sibuyas ng mga miyembro ng kooperatiba mula sa bayan ng Sablayan.

Pakiusap ng mga magsisibuyas, iparamdam sa kanila ng department of agriculture ang totoong pagtulong sa panahon ng kanilang pangangailangan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.