NWRB pinag-aaralan ang dagdag na alokasyon para sa Maynilad, Manila Water

ABS-CBN News

Posted at Mar 30 2023 02:47 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Pinag-aaralan ng National Water Resources Board (NWRB) ang hiling ng Maynilad at Manila Water na dagdagan ang alokasyon ng suplay ng tubig.

Sa isang panayam sa TeleRadyo, sinabi ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo David Jr. na tinitingnang mabuti ang hiling na gawing 52 mula sa 50 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig, lalo’t kailangan ikonsidera ang abiso ng state weather bureau PAGASA na posibleng makaranas ng El Nino ang bansa bago matapos ang taon. 

“May request po sila na karagdagang alokasyon po at ito po sa kasalukuyan ay pinag-aaralan natin kasi nga po, ito po kasing sitwasyon na ngayon ay, ito pong abiso ng PAGASA na magkakaroon ng posibilidad na magkaroon po ng El Nino nitong kalahati kasi ng taong kasalukuyan na kailangan po nating paghandaan din,” ani David.

Dapat aniyang repasuhin ang datos bilang paghahanda sakaling magka-El Nino.

“Kailangan po natin ireview yung mga datos po natin, kung ganoon nga po ang magiging scenario kasi nga po ang gusto po sana natin, bago matapos ang taon, ay nasa 212 meters po ang level ng Angat Dam,” dagdag pa niya.
Nasa normal operating level ngayon ang tubig sa Angat Dam. 

--TeleRadyo, 30 Marso 2023