Ilang domestic flights, kanselado na dahil na rin sa ban sa non-essential travel

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2021 11:29 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Ilang domestic flights ang kanselado na ngayong Martes hanggang sa susunod na linggo kaya't pinapayuhan ang mga may biyahe na mag check muna sa kanilang airline carrier.

Nag-anunsyo na ang Philippine Airlines na kanselado muna ang ilang domestic flights dahil sa umiiral na travel restrictions sa Metro Manila at mga karatig lalawigan. Ipinagbabawal kasi ngayon ang non-essential travel para mapigil ang pagkalat ng COVID-19. 

Kanselado ang flight PR 2039 at 2040 na Manila-Caticlan-Manila Martes at Miyerkoles. 

Kanselado din simula ngayong Martes hanggang Abril 4 ang PR 1861 at 1836 na Manila-Cebu-Manila. 

Malilipat ang mga pasahero sa ibang schedule, pero maaari naman magpa-refund o rebook na walang bayad.

Nag-anunsyo rin ang PAL na kanselado rin ang ilang international flights dahil naman sa limitadong pinapayagang kapasidad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). 

Kanselado ang maraming flights ngayong Martes hanggang sa mga susunod na mga araw. Kabilang sa mga apektadong flights ay mga byahe papunta sa Singapore, Japan, Hong Kong, Bangkok, Dubai, Los Angeles, at marami pang iba. 

Ayon naman sa Air Asia, wala pa silang cancelled flights sa ngayon. Sinabi naman ng Cebu Pacific, tuloy ang regular flights nila hanggang bukas Marso 24, pero posibleng may mga pagbabago sa Marso 25 hanggang Abril 4.

Payo sa mga pasahero, tumawag muna sa airline o i-check ang social media pages ng mga air carriers. 

Samantala, binanggit rin ng PAL na papunta na sa China ang isa nilang eroplano para kunin ang 400,000 doses ng Sinovac vaccine.

Inaasahang darating ang vaccine sa Pilipinas Miyerkoles ng umaga.

- TeleRadyo 23 Marso 2021