Ngayon ang tamang panahon para magtaas ng sahod: grupo
ABS-CBN News
Posted at Mar 21 2023 12:19 AM
MAYNILA - Ngayon na ang tamang panahon para magtaas ng sahod sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa, ayon sa isang grupo.
Saad ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, nakakatawa ang mga argumento ng ayaw magtaas ng sahod, dahil kung mabagal ang ekonomiya ayaw nila, at kung lumalago ang ekonomiya, ayaw pa rin nila.
Ani Africa, kinain na ang sahod ng mga manggagawa dahil sa pagtaas ng mga bilihin, pero humigit dumoble ang profits ng top 100 korporasyon noong 2021 sa bansa.
Kung may kakayanan ang kompanya na magtaas ng sahod, at kaya ng gobyerno magbigay ng tulong, nararapat lamang umano ang pagtaas ng sahod.
Aniya, kung itataas ang sahod ng mga manggagawa, gagastos ang mga ito para sa komunidad, at iikot lamang ang pera sa informal economy.
Makikinabang din umano ang mga nasa sektor ng informal economy.
Kailangan din may tulong umano sa mga magsasaka at suporta sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), pero kinaltasan pa umano ang pondo para sa pagsusuporta sa mga ito.
Giit ni Africa, hindi totoong lahat ng enterprises magsasara kapag itataas ang sahod. Aniya, karamihan ng employment nasa medium and large enterprises, at malaki ang kakayahan ng medium and large enterprises na magbigay ng dagdag sahod.
Dagdag niya, nagiging inflationary ang wage hike kasi pinapasa ng mga negosyante nang buo ang wage hike. - SRO, TeleRadyo, Marso 20, 2023
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news, SRO