PatrolPH

Mga gasolinahan sa QC, Cainta pinilahan bunsod ng bagong oil price hike

ABS-CBN News

Posted at Mar 15 2022 06:54 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Sa kauna-unahang pagkakataon simula nang magkaroon ng pandemiya, halos P14 kada litro ang dagdag sa presyo ng diesel habang P7.10 kada litro ng gasolina.

Dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo, muling pinilahan ng mga motorista ang iba ibang mga gasolinahan sa Metro Manila, bago pa pumatak ang hatinggabi Martes.

Sa isang gasolinahan sa Fairview, Quezon City, nagka-traffic sa isang lane ng kalsada dahil sa pinaghalong PUV at private vehicles na pumipila para magpakarga.

Sa Ortigas Extension sa boundary ng Pasig at bayan ng Cainta, Rizal, tulad noong nakaraang oil price hike noong March 8, ilang metrong haba ang pila ng mga sasakyang nabuo sa isang lane ng kalsada pasado alas 10 ng Lunes, at karamihan ay mga pribadong sasakyan na nakapila sa mga gasolinahan sa lugar.

Mga PUV gaya ng tricycle at jeep ang nag-uunahan sa pila sa maliliit na gasolinahan sa may Cainta dahil mas mura rito kumpara sa mga kilalang gasolinahan.

Kung ang iba ay kayang magpakarga ng full tank, si Tatay Arnulfo ay 1 litro kada araw lang ang kaya. Nasa P300 lang kasi ang kinikita niya bilang delivery man ng mga baboy mula sa Baesa papunta ng Mindanao Ave.

Wala na aniyang matitira sa kaniyang kita, kung lahat ibubuhos niya sa pag-full tank bago ang price hike. — Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.