Mga nagtitinda ng baboy sa Murphy Market, nag-aantay pa ng supply sa DA

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2021 10:07 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Wala pa ring kasunod na supply ng mga baboy mula sa Department of Agriculture kaya naman ang mga nagtitinda nito sa Murphy Market sa Quezon City ay may ilang araw nang hindi makasunod sa ipinatutupad na price ceiling.

“Sa ngayon, ‘di namin kayang sundin ang price ceiling ng DA dahil din po sa sobrang taas na ibinibigay sa amin—na ina-outsource namin sa Quezon o Batangas ang baboy namin,” ayon kay Von Ocbeña, isa sa mga main dealer/supplier sa naturang pamilihan.

Noong nakaraang linggo, nakatanggap sila ng 260 heads ng baboy mula sa Mindanao, pero hindi na ito nasundan pa. Kanilang pinaghati-hatian iyon at 80 heads ang napunta sa Murphy Market na tumagal lamang ng dalawang araw.

“Simula po noong nagkaroon ng price ceiling, doon po talaga bumili ang mga mamimili ng baboy. Nag boom po ang baboy ngayon simula nang mag price ceiling ang DA,” sabi ni Ocbeña sa panayam sa TeleRadyo.

Kapag dumating naman ang panibagong supply ng baboy ay muli silang magbababa ng presyo.

“Two days na kaming hindi makasunod sa price ceiling. Hangga’t kaya, ibibigay namin kahit maliit ang kita basta makatulong sa mamimili,” saad niya.

- TeleRadyo 18 Pebrero 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.