Rate hikes hindi sapat para mapababa ang inflation: ekonomista
ABS-CBN News
Posted at Feb 08 2023 03:55 PM
MAYNILA -- Hinikayat ng isang ekonomista ang gobyernong ireksonsidera ang mga istratehiyang ngayon para mapbaba ang inflation o bilis ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo.
Paliwanag sa TeleRadyo ni Professor Emmanuel Leyco, tila hindi naman umuubra ang pagtaas ng mga interest rates na ginagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas mula pa noong nakaraang taon para mabawasan ang epekto ng inflation.
Aniya, ito'y dahil sa cash-driven pa rin ang ekonomiya ng Pilipinas.
"Kung titingnan natin, sino ba ang nagkakarga ng mas mataas ng interest rate sa ating bansa? Nagungutang ang ating mga utilities, nangungutang ang ating mga kumpanya at ang kanilang interest expense ay ipapasa rin lang sa ating mga mamimili, sa atin pong mga consumer," ani Leyco.
"So ang nagkakarga ng mas mataas na interest rate ay mga mamamayan," paliwanag niya.
Sa ngayon, kontrolado at hindi pa maituturing na runaway ang inflation ng bansa, ayon kay Leyco.
"Kung nagdo-double digit na tayo, matataas, mukhang runaway inflation na. Pero ganoon pa man, ang ating inflation, 8.7 (percent) ay mabigat po lalong na po para sa mga mahihirap na fixed income ang kanilang kinikita
Naniniwala naman si Leyco na dapat palakasin ng gobyerno ang sektor ng agrikultura kontra inflation.
"Pansamantala ay nag-aangkat tayo ng mas mura na mga bilihin, mas murang produkto at mapagpunuan ang ating pangangailangan. Pero pangsamantala lamng po yan. Hindi po yan dapat pang-matagalan," diin niya.
"Ang pang-matagalan natin ay tingnan natin kung paano natin mapapalakas ang ating produksyon, ang ating agrikultura. Produksyon ng ating mga vegetables, ng ating mga gulay. Ng atin pong pangangailangan sa ating hapag-kainan, ay tingnan natin."
"Yun nga po ang sabi nga natin, dapat meron tayong food security na alam natin kung magkano ang ating inaasahan na aanihin natin, kung gaaano karami, at kung kailangan pagpunuan ng ating inaangklat," aniya.
--TeleRadyo, 8 February 2022
economy, inflation, gdp, rising inflation, rate hikes, bangko sentral ng pilipinas, interest rates, rate hikes