Ilang kawani ng PAL nanawagan ng tulong sa DOLE sa napipintong retrenchment

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2021 03:51 PM

Watch more on iWantTFC

Umapela sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang ilang empleyado ng Philippine Airlines sa harap ng napipintong retrenchment.

Sinabi sa TeleRadyo ni PAL Employees Association (PALEA) member Eugene Soriano na sana raw hanapan ng win-win solution ng DOLE ang problema sa PAL para hindi magtanggal ng empleyado. 

“Sana naman ay pag-isipan nang mabuti ng ating gobyerno, ng Department of Labor, ang ating Pangulong Rodrigo Duterte at si Sec. Bello ang gagawing tanggalan sa PAL,” sabi ni Soriano.

Umaasa sina Soriano na makakahanap ng paraan tulad ng ipinapatupad ngayon na twice a week lang kung pumasok habang ang iba ay work from home.

Ayon kay Soriano, hindi siya handang mawalan ng trabaho lalo’t breadwinner siya at sa kaniya lang umaasa ang kaniyang pamilya.

“Ang tanggalan po permanente po. Ang pandemic pansamantala lang po. Nandito na po ang bakuna natin,” sabi ni Soriano.

Bagama't payag na ang unyon sa retrenchment, ilan sa mga manggagawa ang lalaban at papalag sa tanggalan sa ngayon.

Hinihintay pa nila ang listahan ng mga matatanggal sa trabaho.

- TeleRadyo 4 Pebrero 2021