PatrolPH

Mga drayber, umaaray sa dagdag-presyo ng krudo

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2023 08:59 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA -- Mapa-tricycle, jeepney at taxi drivers, umaaray sa nakaambang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ngayong Martes, Enero 31.

Sa gasolina, nasa P1.30 hanggang 1.50 ang posibleng itaas. 

Nasa P0.85 naman hanggang P1.15 ang sa krudo habang sa kerosene naman, P1.10 hanggang P1.50 ang tinatayang dagdag sa presyo.

Ang mga namamasada ng tricycle sa may Roosevelt Avenue na may rutang San Antonio Parkway Village, problemado sa dagdag singil. Ang mahigit pisong dagdag, anila, ay malaking bawas na sa kita nila sa maghapon. 

Kaya ang diskarte ng iba, mag extend ng oras ng pamamasada. Ang iba dito inaabot ng 14 na oras sa pamamasada para madagdagan ang maiuuwi sa pamilya.

Pangamba nila, matatapyasan pa ang nasa P300 na naiuuwi nila sa kanilang pamilya sa kada pamamasada.

Ito rin ang hinaing nang mga jeepney driver.

Anila, hindi sila nagkamali sa hinala na patikim lang ang bawas sa presyo ng produktong petrolyo noong nakaraang mga buwan dahil ngayon halos lingguhan na naman ang umento sa presyo.

Ang mga taxi driver naman, dumidiskarte sa pamamagitan ng paghahanap ng murang gasolinahan para kahit papaano'y makatipid.

May mga maliliit na gasolinahan kasi na mas mura ng nasa P5 ang presyo. 

Alas-6 ng umaga bukas inaasahan na karamihan sa mga gasolinahan magpapatupad ng taas sa presyo ng produktong petrolyo. 

--TeleRadyo, 30 Enero 2023

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.