My Puhunan: Hindi hadlang ang edad para makatulong sa pamilya

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 11:17 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Hangga't kaya pa ng katawan, pinipili ng ilan sa mga kababayan nating senior citizen ang magtrabaho.

Isa na riyan si Perlas Santos.

Sa edad na animnapung taon, pinipili pa rin niyang magtrabaho bilang miyembro ng action force ng munisipyo ng Cainta.

Sanay na si Perlas na dumiskarte para magkaroon ng kita para sa pamilya. 

Noon pa man, tumutulong na siya sa gastusin nila dahil hindi sapat ang kinikita ng asawa niyang driver para sa anim nilang anak.

"Lahat po ng trabaho na para sa akin, halimbawa nanahi, nagburda, ginagawa ko po 'yun para lang makadagdag ng kita sa kabuhayan para sa pamilya ko din 'yun." kuwento ni Perlas sa My Puhunan.

Dahil sa kanyang sipag, napagtapos niya sa pag-aaral ang tatlong anak at nakatulong sa pagpapatayo ng kanilang sariling bahay.

Nag-aabot rin siya ng pambaon sa kanyang mga apo.

Bukod sa pagiging empleyado ng gobyerno, nagagawa pa rin niyang rumaket ng pagmamasahe.

"Kapag naka-sampung tao na ako, wow, nandoon na 'yung pagod pero nakangiti pa ako sa mga anak ko. Hindi ko lang masabi sa kanila na kasi para sa inyo ito."

Bagamat malakas pa ang katawan, nangangamba rin si Perlas para sa kinabukasan ng mga anak at mga apo.

Dadating rin kasi sa pagkakataong hindi na niya kakayaning makapagtrabaho.

"Siyempre gusto ko na may investment na rin ako or magkaroon na rin ako ng ipong pera para na rin sa pagtanda ko kasi alam ko naman na 'pag tumatanda na tayo, hindi lahat ng oras ay malakas tayo."

Dahil sa kanyang sipag at determinasyon para sa pamilya, naantig ang isang beauty products business owner sa kanyang kuwento.

Sinorpresa nila si Perlas at pinagkalooban ng city distributorship title para sa pagbebenta ng mga produktong pampaganda.

Dagdag pa rito, patuloy siyang gagabayan para mapalago ang sariling negosyo.

Hindi matawaran ang sayang naramdaman ni Perlas sa regalong handog sa kanya at para sa kanyang pamilya.

"Mayroon ding nagbigay sa akin ng puhunan na ipinagkatiwala sa akin na wala naman akong kakayanan na ibalik sa kanila ng ganoon."

Anuman ang inyong edad, basta't determinado, puwede kayong makatulong kahit sa simpleng paraan lamang.


Sundan ang My Puhunan online:
Microsite: news.abs-cbn.com/MyPuhunan
Facebook & Twitter: @MyPuhunan
Instagram: @mypuhunantv

Panoorin ang My Puhunan online:
www.IWANT.ph (within PH)
www.TFC.tv (outside PH)
www.youtube.com/abscbnnews (episode highlights)