Presyo ng noodles posibleng tumaas dahil sa mahal na itlog
ABS-CBN News
Posted at Jan 28 2023 10:48 AM
MAYNILA — Posibleng tumaas ang presyo ng noodles dahil sa pagmahal ng presyo ng itlog sa merkado, ayon sa isang kinatawan ng noodle industry ngayong Sabado.
"Pinag-aaralan pa po ng aming account kung papaano po 'yung pagtaas, pero approximately mga 10 to 20 percent," sabi ni Mary Joy Delmonte, sales and marketing manager ng Kands Corporation, nang tanungin sa TeleRadyo hinggil sa posibleng taas-presyo sa noodles.
"Napakataas po talaga ng presyo ng itlog," ani Delmonte. "Kailangan din po namin mag-adjust ng aming price sa aming mga produkto."
Base sa monitoring ng Department of Agriculture, nitong Enero 13, pumapalo sa P9 ang kada piraso ng medium-sized na itlog. Mas mataas ito sa P6.90 na presyo kada piraso noong Disyembre 2022.
Nakaamba ang taas-presyo dahil isa ang itlog sa mga pangunahing sangkap sa paggawa ng noodles.
Pero ayon kay Delmonte, hindi naman puwedeng biglaan ang pagtaas ng presyo.
"Ang kasamaan lang po, 'yung mga kliyente namin hindi kami agad makapagtaas. Halimbawa, nagtaas ng presyo ngayon, so 'yung pag-increase namin ng price is after like ilang weeks or sometimes a month kasi 'yung price din po ng mga kliyente 'yung iniisip namin," aniya.
"So lugi po talaga sa side ng manufacturing."
Kung magpapatuloy ang mataas na presyo ng itlog, dagdag ni Delmonte, posible rin aniyang magbawas sila ng tauhan dahil dito.
"Kung patuloy na magtataas ang presyo ng eggs, may chance po na 'yung pagbili ng mga tao ay mababawasan. Possible na magbabawas din kami ng tao kasi kaunti na lang 'yung gagawin nila."
—TeleRadyo, Enero 28, 2023
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, TeleRadyo, PatrolPH