Transport groups push P1 fare hike as oil prices soar

Posted at Jan 19 2011 10:54 PM | Updated as of Jan 20 2011 12:28 PM

Ginulat na naman ng panibagong pagtaas sa presyo ng petrolyo ang mga motorista kanina: P1 sa diesel at 75-centavos sa gasolina ang dagdag-presyo.

Ayaw magsalita ng mga kumpanya ng langis kaugnay sa pagtaas ng presyo na umabot na ng P1.25 sa diesel at gasolina mula noong unang araw ng Enero 2011.

Nanggagalaiti naman ang mga transport group.

Ang dating 50-sentimong hirit na "provisional increase" sa pasahe sa jeep, gusto na nilang gawing piso.

"Hindi po kami papayag. Iyong 50 ay hindi makatarungan na ibalik ni Chairman Lanuza ng LTFRB," ani Roberto Martin, pangulo ng Pasang Masda.

"Huwag naman masyadong pag-aaralan nang matagal. Ngayon pa lamang, ibigay na iyong piso para sa 'min," sabi naman ni Zeny Maranan, pangulo ng grupong Fejodap. 
May banta rin ang mga grupo kapag 'di pinagbigyan ang hirit na pisong umento sa minimum na pasahe sa jeep.

"Magkakaroon ng isang pagkilos na ayaw naming gawin 'to subalit kung kinakailangan, aabot na po kami sa kalye para makuha na po namin ang aming hinihiling," ani Martin.

"Kung hindi ibibigay ang pisong dagdag na ito ay sila'y magpaplano ng isang pagtigil-pasada," dagdag ni Maranan.

Hirit naman ng grupong Piston, iutos muna ni Pangulong Aquino na tanggalin ang value-added tax sa petrolyo.

"Ang kahulugan po nito ay pagkabawas ng P4.77 sa diesel at around P6 sa gasolina," sabi naman ni George San Mateo, secretary-general ng Piston.

Sa unang dalawang araw pa lang ngayong lingo, halos nasa piso na naman ang itinaas ng imported na diesel at gasolina.

Kung sunud-sunod naman ang pagtaas ng presyo ng petrolyo, nagbabadya namang bumaba ang presyo ng LPG.

Sa monitoring ng LPGMA, nasa $65 na ang pagbaba sa contract price ng LPG. Alvin Elchico, Patrol ng Pilipino