P10 fare hike for LRT, MRT looms

Posted at Jan 11 2011 11:41 PM | Updated as of Jan 12 2011 09:03 AM

Nasa P10 din ang taas sa pinakamataas na singil ngayon ng MRT at LRT. Pero hindi pa ito maituturing na pinal dahil magkakaroon pa ng public hearing.

Ayon sa Department of Transportation and Communication, kailangan lang nilang magtakda ng halaga para may agenda o pag-uusapan kapag nagpatawag na ng hearing.

Pero ang iba't ibang grupo naghahanda na ng serye ng pagkilos para tutulan ito.

Sumugod ang iba't ibang grupo ng mga militanteng kabataan sa Mendiola kanina para iprotesta ang nakaambang fare hike sa MRT at LRT.

Banta nila, mas matindi at linggu-linggong pagkilos kung hindi ipapatigil ng Malacañang ang pagtataas.

Ang grupo namang ito, naglunsad ng signature campaign laban sa mga pagtataas.

Pero kanina, inanunsyo na ng Light Rail Transit Administration kung magkano talaga ang magiging pagtataas sa MRT at LRT.

Sa isang board meeting, napagkasunduan na P11 ang magiging basic rate at piso ang idadagdag kada kilometro.

Sa kasalukuyan, P15 ang pinakamataas na singil sa MRT habang P20 ang pinakamataas sa LRT.

Sa bagong pasahe, magiging P28 ang bayad sa MRT hanggang dulo habang P31 ang sa LRT.

Lumalabas na mahigit P10 din ang taas sa pasahe. Siniguro naman ng DOTC na magkakaroon ng maayos na public hearing kaya't puwede pang mabago ang halaga.

Ang National Council for Commuters' Protection, hindi kumbinsido sa sinasabing lugi ng MRT at LRT kaya't naghahanda na ng petisyon sa Supreme Court para maglabas ng temporary restraining order laban sa MRT at LRT fare increase.

Ang makukuhang dagdag na pondo ng gobyerno mula sa taas pasahe ng MRT at LRT ay ilalagay naman sa pag-aayos ng pasilidad ng mga tren.

Ayon sa DOTC, bago pa man ang target na pagpapatupad sa March 1 ay mararamdaman na ang mga improvements na ito. Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino