Mag-asawa, ibinalik ang napulot na sahod ng isang ama

ABS-CBN News

Posted at Dec 26 2017 09:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Luhaang umuwi noong Disyembre 23 si Michael Oguimas nang matuklasang nawala ang higit P2,000 sahod niya sa pinapasukang construction company sa Mandaluyong.

"Hindi lang panghinayang, talagang nainis kasi iyong sinahod ko pambili ng regalo ng bata," ani Oguimas sa panayam ng ABS-CBN News.

Hindi na umasa si Oguimas na maibabalik pa sa kaniya ang pinagpagurang pera.

Hanggang sa ibinalita sa kaniya ng isang kapitbahay na may nag-post sa Facebook ng kaniyang payslip kalakip ang suweldo.

Nag-viral sa social media ang post ni Jasmin Baleza, empleyado sa isang restoran, na nakahanap sa pera ni Oguimas.

 

Umani ito ng higit 25,000 reactions at 150,000 shares sa Facebook.

Kuwento ni Baleza, binabaybay nila ng asawang si Roy ang kahabaan ng Shaw Bouelvard nang mapansin ang nilipad na pera sa gilid ng kalsada.

Nang makita ang payslip, nagpasya ang mag-asawang manawagan sa Facebook.

"Iyong asawa ko nga po nalungkot sabi niya kasi 'Nakakalungkot naman magpa-Pasko, nawalan pa si kuya'," kuwento ni Jasmin.

"Sa una talaga nanghina ako kasi alam kong pinaghirapan niya iyon," pahayag naman ni Roy. "Dapat ko ibalik kasi 'di ko naman pinaghirapan."

Ngayong Martes, laking tuwa ni Oguimas nang maibalik ng mag-asawa ang sahod niya.

"Nagpapasalamat po ako dahil sa mabuti nilang kalooban," ani Oguimas.

Pumayag ang mag-asawa na idokumento ang pagbalik ng pera para magbigay ng inspirasyon na may puwang pa rin sa bawat isa ang katapatan at pagmamalasakit sa kapwa.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.