Employer ng babaeng nanampal ng taxi driver, nagsalita na

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2017 12:42 PM

MAYNILA - Nagsalita na ang kompanyang pinagtatrabahuhan ng babaeng nahuling nanakit umano ng kaalitang taxi driver.

Ayon sa VXI Global Holdings B.V., isang Business Process Outsourcing company, batid nila ang insidente pero iniiwan na nila sa mga awtoridad ang paghawak sa kaso ni Cherish Interior, 31.

"The incident occurred when the employee was on personal time and was not doing any work for VXI. We leave it to the appropriate authorities to handle the case," ayon sa VXI sa isang pahayag na inilabas Lunes ng gabi.

Idiniin ng VXI na kahit pa hindi sila konektado sa road rage incident, walang puwang sa kompanya ang ganitong mga klaseng pag-uugali mula sa kanilang mga empleyado. 

Si Interior, na tinukoy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang babaeng nabidyuhang nanampal sa 52 anyos na taxi driver na si Virgilio Doctor.

Sa gitna ng insidente, napalabas pa ng taxi si Doctor dahil tumaas ang presyon nito habang sinisigawan at minumura ng babaeng drayber ng pribadong sasakyan. 

Pormal na ring isinampa ni Doctor sa Quezon City Prosecutor's Office ang kasong unjust vexation, slight physical injuries, at malicious mischief laban kay Interior. 

Hinahanap pa rin ng LTFRB si Interior para makuhanan ng pahayag. Bukas naman ang ABS-CBN News sa kampo ng 31 anyos na motorista para sa kanyang panig.

-- Kasama ang ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.