VIRAL: Taxi driver, nagsampa ng reklamo laban sa nanakit na babaeng drayber

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 02:23 PM | Updated as of Dec 18 2017 08:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nagpasaklolo na sa mga awtoridad ngayong Lunes ang matandang taxi driver na sinampal ng galit na babaeng drayber sa Congressional Avenue, Quezon City, Linggo ng umaga. 

Mismong ang tsuper na si Virgilio Doctor, 52, ang tumungo sa opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang magbigay ng affidavit.

Sa video na kuha ni Joshua Baluyot, makikitang binaba ng isang babaeng motorista ang taxi driver bago sinigaw-sigawan, pinagmumura, at saka sinampal.

 

Kuwento ni Doctor sa ABS-CBN News, maaaring nagalit sa kanya ang motorista dahil binusinahan niya ito at inovertake-an. Nagawa umano niya ito dahil may FX ding bumubusina rin sa kanyang likuran. 

"Nagso-sorry na ako dahil talagang ayaw ko ng gulo. Nagpakumbaba na lang ako. Sabi ko, 'sorry po. Di po sinasadya, 'yung pangyayari. Sorry po," aniya. 

Sa tainga umano siya inabot ng sampal ng babae, at dito na siya nagsimulang mahilo. Hindi niya alam tumataas na pala ang presyon niya nang mga panahon na iyon.

"Kaya ako lumabas ng awto, akala ko maha-heart attack ako. Buti na lang hindi natuloy," sabi ng matandang driver na dati na ring inatake ng stroke. 

Samantala, nerbiyos din ang inabot ng pasahero ng taxi driver na si Luzel Pasaylo, nang kinompronta ng mag-asawang motorista ang tsuper. 

"Nagulat ako, bigla, may sumuntok na sa window. Nung masuntok, sinisipa na tapos pinapalapabas yung taxi driver. Tapos minumura na nung lalaki. Ako, that time, na-shock at natakot na rin ako," kuwento niya sa ABS-CBN News.

"Lumabas naman ng kotse 'yung girl -- kasi siya yung nagda-drive. Akala ko aawatin niya 'yung husband niya. Nagulat po ako kumuha, siya sa compartment ng golf club. Hinampas niya po 'yung taxi nang dalawang beses. Ako mismo sa loob ninerbiyos," dagdag niya.

Ayon kay Pasaylo, walang nangyaring banggaan o gitgitan pero galit ang mag-asawa dahil sa umano'y pag-cut ng taxi driver sa kanila. Inulan aniya ng sigaw at mura ang matandang tsuper na mahinahon namang humihingi ng tawad sa dalawa.

"'Yung babae, pini-'P.I.' po siya. 'G**o,' sabi niya sa matanda. Sabi niya pa, kina-cut mo 'ko e. Kitang-kita kita sa dash cam kina-cut mo 'ko, kanina ka pa e. Di mo ba alam kasama ko 'yung dalawa kong anak,'" kuwento ni Pasaylo.

"Nakiusap po ako sa husband, kunin mo na lang 'yung plate number, magpapahatid na lang po muna ako. Tapos usap na lang kayo sa tamang lugar. 'Hindi po,' sabi ng lalaki sa 'kin. 'Pare-pareho po tayong maabala dito, ayaw ng asawa ko," dagdag pa niya.

Wala na si Pasaylo sa taxi nang makunan ang video ng pananampal ng babae. Nauna na aniya siya dahil huli na siya sa trabaho.

Hinahanap na ngayon ng LTFRB ang babaeng nakunan sa video para makuha ang kanyang pahayag.