‘Hindi po ako bangko’: Post ng ninang sa namamaskong kumare, trending

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 06:49 PM | Updated as of Dec 12 2017 07:17 PM

Nag-viral sa social media ang Facebook post ng isang ninang tungkol sa aniya’y namamaskong kumare.

 

Sa post ng netizen na si Dyanne Jordan Montiero, ikinuwento niya ang tungkol sa kumareng namamasko para sa inaanak.

Sa mga screen shot na kalakip ng post, makikita ang usapan ni Montiero at kumareng nagsabing masyadong malayo ang bahay ng ninang kaya hindi nila mapupuntahan ng inaanak si Montiero.

Sunod na sinabi ng kumare kay Montiero na ibigay na lang ang Pamasko sa inaanak sa pamamagitan ng isang padala center.

Saad ng bahagi ng post ni Montiero, “Hindi po ako bangko… Nagninang po ako para magguide sa kanila (inaanak) habang lumalaki.”

Dagdag pa sa post ni Montiero, wala siyang trabaho ngayon pero nagtabi pa rin siya ng pamasko para sa kaniyang mga inaanak, pero sadyang “nakaka-offend” aniya ang sabihan siyang ibigay ang regalo sa pamamagitan ng isang padala center.

Mula nang i-post sa Facebook noong Disyembre 8, may mahigit 31,000 reactions na ang viral post ni Montiero.

Dati nang nagpaalala ang isang pari, na sa ilalim aniya ng batas ng Simbahang Katolika, isang pares lamang ng ninong at ninang ang dapat na kuhanin para sa binibinyagang bata.

Tungkulin din ng mga ninong at ninang na maging pangalawang magulang at maging huwaran sa kanilang mga inaanak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.