Kasipagan ng PWD na service crew sa isang fast food chain, nag-viral

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2018 04:44 PM | Updated as of Nov 22 2018 05:07 PM

 

LUBAO, Pampanga - Hindi hadlang ang kapansanan para mamuhay nang normal.

Ito ang ipinamalas ng isang fast food service crew dito sa probinsiya na hinahangaan ngayon sa social media dahil sa isang viral video niya habang nasa trabaho. 

Gamay na ni Heart Canlas ang mga gawaing pambahay na walang kahirap-hirap niyang ginagampanan sa araw-araw kahit pa maiksi ang kaliwa niyang kamay.

“Nung bata po ako hindi ko po naintindihan, lagi po nila akong inaasar na 'putol ang kamay, putol ang kamay,' 'maliit kamay mo,' 'walang kamay, walang kamay,' nagagalit po ako. Lagi ko pong sinasabi kay papa, ‘Pa, tinutukso na naman ako,” kuwento ng 23 anyos na si Canlas.

Pero hindi niya alintana ang panunukso. Maging sa sports, aktibong nakikipagsabayan si Canlas sa hard court.

“Ok naman po, tatawanan ko lang po sila, happy pa rin po kahit tukso sila nanng tukso, wala na po akong pakialam sa tuksuhan nila. Basta ang akin lang po, nakakatulong ako sa pamilya ko, nagtatrabaho po ako nang marangal, na wala pong inaapakan na tao,” sabi niya.

Mahirap ang buhay para sa pamilya ni Canlas lalo’t namatay ang ina nito noong siya'y 3-taong gulang pa lamang.

Pinasok ni Canlas ang iba’t ibang trabaho hanggang sa makuha siya bilang service crew sa isang fast food chain sa bayan ng Guagua.

Ayon sa agency ni Canlas, wala silang diskriminasyon sa mga aplikante. Basta kayang magtrabaho, hahanapan nila ng pagkakataon.

Nakilala ang kasipagan ni Canlas nang kuhanan siya ng video ng isang customer na kumakain noon sa fast food chain na pinatatrabahuhan niya habang mabilis na nililigpit ang mga pinagkainan​.

“Vinideo ko po kasi siya kasi napakasipag po niyang kumilos tapos mabilis siyang kumilos kahit isa lang 'yung kamay niya, parang normal lang siyang tao, di niya iniinda kahit nahihirapan siya,” kuwento ni Claire Ocampo, ang nag-upload ng video sa Facebook.

Marami ang bumilib kay Canlas at umabot na ng mahigit 1 million ang views ng nasabing video.

“Nagsisikap po daw ako para daw kanino daw po... para po sa pamilya ko po at lalong-lalo na sa buhay ko po na gusto ko pong umangat po,” paliwanag niya.

Hangad naman ng kaniyang ama na si Roland Canlas na sana ay tularan ang kasipagan ng anak.

May payo si Canlas sa mga katulad niyang kabataan lalo na sa mga may kapansanan.

“Lagi niyong tatandaan maraming tutulong sa inyo, maraming magaakbay sa inyo para hindi kayo mahinaan ng loob,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.