PatrolPH

Flight attendant, trending sa pagpapasuso ng sanggol ng pasahero

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 05:39 PM

Flight attendant, trending sa pagpapasuso ng sanggol ng pasahero 1
Retrato mula kay Patrisha Camille Organo

Nag-viral sa social media ang kuwento ng isang flight attendant na nagpasuso ng sanggol ng pasahero.

Sa panayam ng ABS-CBN News, ikinuwento ni Patrisha Camille Organo, flight attendant ng Philippine Airlines, na pag-take off ng kanilang eroplano noong Martes, Nobyembre 6, hindi na tumigil sa kakaiyak ang sanggol ng isa nilang pasahero.

Naubusan daw ng formula ang ina ng sanggol at may isa at kalahating oras pa ang biyahe kaya hindi na nagdalawang-isip si Organo na alukin ang mga ito na siya ang magpa-breastfeed sa bata.

"Nanaig 'yong pagka-ina ko, na nakita ko 'yong bata na nagugutom," sabi ni Organo.

"I readily offered it, na sinabi ko sa mommy na wala akong ibang maibibigay pero if you'd like i-breastfeed ko baby niya," ani Organo.

Habang sinusulat ang istoryang ito, umani na ng higit 170,000 reactions at 36,000 shares ang Facebook post ni Organo, na may retrato nila noong bata habang bine-breastfeed niya ito.

Ayon kay Organo, hindi niya inakalang magiging viral ang kaniyang post, na layon lang daw hikayatin ang ibang ina na magpasuso.

"The post intended to inspire and encourage other moms, especially mga friends ko, na mag-breastfeeding din," ani Organo.

"I just took a nap, pagkagising ko viral na siya with positive comments na overwhelming."

Ina si Organo ng siyam na buwang sanggol at bitbit daw niya kahit saan ang kaniyang breastfeeding kit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.