VIRAL: Buwis-buhay selfie sa tuktok ng puno sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 04:54 PM | Updated as of Oct 19 2018 08:59 PM

Hindi inalintana ni Prince Jocame ang panganib habang nagse-selfie sa tuktok ng puno sa Palawan. Sa ngayon, nakakalap na ng higit 1 milyon views sa Facebook ang kaniyang selfie video.

Nag-viral sa social media ang video ng isang tubong-Palawan matapos niyang umakyat sa puno para sa kaniyang "buwis-buhay" na selfie.
    
Sa video na in-upload sa social media, makikita si Prince Jocame na nasa taas ng kalbong puno at tanaw na nito ang mga kabundukan sa kapaligiran. 

"Kita niyo nga guys, medyo naghahanap tayo ng magandang view, at nasa tuktok po tayo ng kabundukan (puno)," aniya. 

Watch more in iWantTFC

Suot ang pink na gown, inakyat niya ang nasa 10 metrong tuyong puno para lang mag-selfie at mag-video para sa kaniyang vlog.

"Trip lang sa akin na umakyat ng puno, parang katuwaan lang naming magkakapatid... Pagdating sa taas na-appreciate ko naman na parang ganito 'yung feeling sa taas ka, titingalain ka," ani Jacome sa panayam ng ABS-CBN News.

Pero aminado Jacome na kinabahan siya sa kaniyang ginawa.

"Sa isip ko nga kung malalaglag ako dito baka ewan ko lang kung mabuhay pa ako."

Noong Oktubre 15 niya lang in-upload ang video pero ngayon ay nasa higit 1 milyon na ang views nito sa Facebook.

Pero hindi na bago kay Jacome ang pag-akyat ng puno. Bukod sa libangan noong bata pa, kumukuha rin kasi siya ng buko para pagkakitaan.

Ngayong nag-trending na siya, plano daw ni Jacome na i-level up pa ang kaniyang pagse-selfie.

"Hindi lang mga puno, talagang mga tower talaga ang susunod. Dun ako magse-selfie," pangako niya.

Gayunpaman, pinayuhan niya ang iba na huwag ito gagayahin dahil mapanganib.

—Ulat ni Diana Lat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.