VIRAL: Guro nambatok ng mga boy scout sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 09:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniimbestigahan na ng Department of Education ang viral na video ng paninigaw at pambabatok ng isang guro sa grupo ng boy scouts ng Cutog Elementary School sa Reina Mercedes, Isabela.

Umabot na sa mahigit 16,000 shares ang viral video sa Facebook kung saan ilang beses na maririnig ang paninigaw ng guro sa mga grupo ng Grade 4 hanggang 6 na mga boy scout na nagkukumpulan sa sahig ng isang tent habang isinasagawa ang isang off-campus activity.

Ilang beses umanong hinampas at binatukan ang ilang estudyante at hinila pa ang isa papasok ng tent. Kinutya at minura pa umano ng guro ang mga bata dahil nawawala ang ilang kasamahan nila.

Sabi ng Bayan Patroller na tumangging magpaunlak ng panayam, ipinasa-pasa lang ito at hindi niya tukoy kung sino ang kumuha nito. In-upload niya ang video sa social media para makarating ito sa kinauukulan.

Para naman sa magulang ng isa sa mga batang nabatukan, masakit para sa kaniya ang nakita niyang nasaktan ang kaniyang anak.

"Masakit din ang loob ko na bakit niya ginawa 'yun... Gusto ko ring matanggal siya rito sa eskuwelahan." aniya.

Dagdag niya na papatawarin niya ang guro kung humarap ito sa mga magulang ng mga bata.

Ayon kay DepEd spokesperson Annie Sevilla, maaaring nagalit nga ang guro dahil sa mga nawawalang estudyante. Buntis din ang guro nang mangyari ang insidente. Pero iginiit ni Sevilla na hindi raw ito ang tamang pagdidispilina sa mga bata.

"It's a clear violation of our policy. Dahil sabi nga natin dapat una positibo, walang violence. Pangatlo magbibigay dapat ng mas magandang leksiyon," dagdag ni Sevilla.

Sinubukang hingan ng pahayag ang guro pero hindi itosumasagot sa mga tawag.

Kapag napatunayang mali ang guro sa ginawa, maaari siyang suspendehin at malipat ng assignment. Sumasailalim na rin ang mga batang apektado sa stress debriefing.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.