ALAMIN: Pananagutan ng sangkot sa viral 'bukas-kotse modus'

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 09:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kamakailan ay nag-viral sa social media ang tangka ng isang lalaki na buksan ang pinto ng kotse ng isang motorista sa isang kalsada sa Metro Manila. 

Pangamba ng motoristang nasa loob ng sasakyan, baka may tangkang pagnanakaw umano ang naturang lalaki. 

Pero ano nga ba ang puwedeng pananagutan nito? 

Ayon sa isang abogado, maaaring kasuhan ng attempted robbery ang sangkot sa pagbubukas ng kotse kung agad itong nahuli. 

Pero kung nagtangkang basagin ng lalaki ang pinto at nakuha ang gamit, maituturing na itong robbery dahil gumamit siya ng puwersa. 

"Kung 'yun binuksan at may nasira, at may nakuha, robbery iyon. At kung walang nakuha pero nahuli agad, puwedeng attempted robbery," ani Atty. Claire Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Biyernes.

Bagaman kita sa camera ang pagbukas ng kotse, ani Castro, kinakailangan munang patunayan sa korte ang intensiyon ng nagtangkang magnakaw, o ang elementong "intent to gain" bago siyang kasuhan ng attempted robbery. 

"Binubuksan niya ('yung pinto), ang elemento kasi ng robbery, you have to prove the intent to gain...You have to prove kasi the elements [of robbery, baka mamaya] gusto lang mangasar o manakot, there should be the intent the gain," dagdag niya. 

Paliwanag pa ng abogado na hindi basta-basta dapat hatulan ang lalaki.

Nauna na ring inabisuhan ng Highway Patrol Group ang mga motorista na i-lock ang mga sasakyan habang nasa lansangan para hindi mabiktima ng nasabing modus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.