VIRAL: Batang pumapasok nang naka-unicycle, patok sa netizens

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2018 08:49 PM

Umaani ng paghanga ang isang estudyante na pursigidong pumapasok sa paaralan gamit ang unicycle sa lungsod ng Trece Martires sa Cavite.

Sa video na in-upload ni Alan Panday, makikita ang isang Grade 2 student na lulan ng unicycle habang nakasabit ang bag nito papasok sa eskuwela.

 

Ayon kay Panday, nagbibisekleta siya nang mapansin ang bata na sakay ng unicycle.

"First time pa [lang] po ako nakakita ng ganoong talento, sobrang mangha ko po sa kaniya," saad ni Panday sa panayam ng ABS-CBN News.

Ikinatuwa ng mga netizen ang dedikasyon ng 7 taong gulang na bata sa pag-aaral.

Marami sa mga nakapanood ang bumilib sa bata kung kaya't umabot sa 32,000 ang shares at mahigit isang milyon ang views ng viral video.

"Natutuwa ako lalo na sa bata [kasi] napansin 'yong talento niya at marami na ngayon ang napahanga niya," ani Panday na hindi inakalang magiging viral ang nakuhanang video.

--James Amante, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.