Kapos na MMDA, inalok ng pamasahe ang pa-PGH na matanda

ABS-CBN News

Posted at Jul 24 2018 05:54 PM | Updated as of Jul 24 2018 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kapos man sa pera, nagawa pa ring itabi ng isang Metro Manila Development Authority (MMDA) enforcer sa Alabang ang kaniyang pangkain para lamang may pamasahe ang isang matandang magpapagamot sana sa Maynila. 

Ibinahagi ni Seigd de Viterbo sa kaniyang Facebook account noong July 10 ang kabayanihang ginawa ni MMDA Traffic Constable 3 Alvin Kenneth Balonzo sa isang matandang lalaking magpapa-check up lamang sana sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila. 

Pababa raw siya ng jeep nang makita niya si Balonzo at ang matanda na nag-uusap. Matapos nito ay kumuha siya ng litrato ng nangyayari. 

Ibinigay ni MMDA Traffic Constable 3 Alvin Kenneth Balonzo ang kaniyang perang pangkain sa matandang lalaking walang pamasahe papuntang Maynila para magpagamot. Facebook account of Seigd de Viterbo

"Bago po ako pumunta sa bus station biglang may nakasalubong akong nakaharang sa sasakyan kong bus. May nakita po akong MMDA [enforcer] na binibigyan ng pera iyong matanda para makapunta sa PGH dahil magpapagamot siya at walang pamasahe," kuwento ni de Viterbo. 

Kuwento naman ni Balonzo, pauwi na sana siya nang lapitan siya ng isang matandang lalaki. Magpapagamot lamang daw sana ang matanda kaya lamang ay kulang ang pamasahe nito pa-Maynila. 

Nagkataon na katapat lang ng kaniyang opisina ang terminal ng bus kaya agad-agad niyang sinamahan ito para makipag-usap sa konduktor. 

"Noong lumapit sa 'kin iyong konduktor, sabi ko sa kanya, 'Baka puwedeng isakay si tatay pa-PGH. Ako na lang magbabayad'," kuwento ni Balonzo. 

Inabutan ni Balonzo ng bayad ang konduktor ngunit sabi nito na ililibre na lamang niya ang pamasahe noong matanda.

Pero hindi pa nagtatapos doon ang kuwento at inalok niya ang matanda ng pangkain, na unang tinanggihan ng matanda dahil sapat na raw ang ibinigay na free ride para sa kaniya. 

Di na muli sila nagkatagpo ng matandang lalaki matapos nito. 

Aniya, nakita niya lamang ang post ni de Viterbo nang i-tag siya ng kaibigan niya. Hindi niya rin daw alam na kinuhanan siya ng litrato. 

Nagtapos ng Informations and Communications Technology si Balonzo pero namasukan siya bilang constable noong October 2017 dahil pangarap niya raw manungkulan bilang public servant. 

Pararangalan daw ng MMDA si Balonzo sa kaniyang kabayanihan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.