PatrolPH

VIRAL: Pagkanta ng magkapatid sa gym, hinangaan

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 10:43 AM

Umani ng papuri mula sa mga netizen ang magkapatid na lalaki matapos mag-viral ang video nila na kumakanta sa loob ng isang gym.

Nahinto sa pag-workout ang mga nag-gym nang may kumantang dalawang batang lalaki. Kinunan nila ito ng video dahil namangha sila sa pagkanta ng dalawa.

Nang i-upload sa Facebook, umani ito ng maraming “Likes” at positibong komento. Umabot naman sa halos 3 milyon ang views sa loob ng limang araw.

“At least it's a blessing for them na ma-discover sana di ba? Na may ibang tao na makatulong din,” sabi ni Klent Jumalon, ang kumuha ng video ng mga bata.

Ang dalawang bida sa viral video ay ang magkapatid na sina Lendo John Lequigan, 11-taong gulang at James Ken, 13.

Kada kanta sa terminal at palengke sa kanilang lugar sa Mawab, Compostela Valley ay napapahinto ang mga tao para makinig.

Pagkatapos ng performance, papalakpak ang mga tao at ang iba'y magbibigay ng pera.

Hiling ng magkapatid na sana’y ang kanilang abilidad sa pagkanta ay magbibigay ng magandang kinabukasan para sa kanila.

“Gusto lang po namin maging sikat na singer at gusto ko pong makapagtapos ng pag-aaral para matulungan ko po yung pamilya ko,” sabi ni Lendo.

Para kay James naman, “Kaya po namin ito ginagawa kasi tinutulungan po namin parents namin.”
 
At para sa katuparan ng pangarap, nag-eensayo sila sa pagkanta ngayong bakasyon na nagsisilbi na rin bonding ng pamilya Lequigan.

Ayon sa kanilang ina, mula limang taong gulang, nahiligan na ng magkapatid ang pagkanta. Sa katunayan, marami nang award at pagkilala ang natanggap nila sa pagsali ng amateur singing contests.

Kaya nagsisilbing blessing sa pamilya ang magkapatid dahil ang naipong pera ay ibinibigay nila sa kanilang magulang lalo't ang pagbebenta sa paaralan lang ang ikinabubuhay ng pamilya.

“Nahiya po kami, pero wala po kaming magawa. Walang trabaho ang asawa ko, paminsan-minsan lang kami ng nagbebenta,” ayon sa kanilang ina na si Helen.

Gusto naman ng kanilang ama na si Edgardo na makapagtapos sa pagaaral ang dalawa.

“At saka yung mga talent nila, gusto kasi nila na maging sikat na singer balang araw.”

Umaasa ang pamilya Lequigan na ang pagsikat ng magkapatid sa social media ay magbubukas din ng maraming oportunidad na makakatulong sa pag-unlad ng kanilang buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.